Vice Ganda, nagpapasalamat na ibinigay sa kanya si Ion Perez bago dumating ang pandemya, ABS-CBN shutdown, at pagkamatay ng bestfriend niya

SCREENSHOT: Vice Ganda on YouTube

SCREENSHOT: Vice Ganda on YouTube

Trending ngayon sa YouTube ang latest vlog entry ni Vice Ganda na in-upload kagabi, September 23.

Ni-record ang nasabing YouTube video entitled "Ang Istorya Ko Na 'Di Nyo Alam" last July 6 habang nasa  Lubao, Pampanga siya na under GCQ o General Community Quarantine that time.

(Hindi nabanggit kung bakit siya na sa Lubao at that time.)

Sa video, isinalaysay ng TV host-comedian ang mga masasakit na pinagdaanan niya mula ng magkaroon ng COVID-19 sa bansa hanggang sa mawala sa free TV broadcast ang kanyang home network na ABS-CBN.

"Ano’ng nangyari sa buhay n'yo nu'ng ng pumutok 'yung pandemic?" pangunang tanong ng It's Showtime host sa viewers. "Ano’ng nangyari sa buhay n'yo nu'ng nagkaroon ng quarantine? Nu'ng lockdown? Ano ba’ng nangyari sa inyo nung nawala sa ere ang ABS-CBN? Ano’ng nangyari sa inyo nu’ng nangyari ang mga bagay na ito sa paligid natin?"

K'wento n'ya, hindi daw n'ya sineryoso noong una ang pagpasok ng coronavirus disease sa bansa. 

"Nu'ng nagkaroon ng pandemya parang hindi ko pa naman masyadong sineryoso, hindi ko s'ya masyadong ininda. Kasi sa Pilipinas parang chill-chill lang, e, nu'ng simula," paglalahad n'ya. "Akala lang natin safe tayo sa Pilipinas 'yun pala hindi lang natin alam na umaariba na s'ya."

However, nagsimula daw makaramdam si Vice ng takot habang patagal nang patagal ang lockdown at parami na nang parami ang mga namamatay sa sakit.

"Tapos nu'ng nagdire-diretso na, nu'ng malaki na [ang bilang ng COVID-19 cases], tapos patagal na nang patagal 'yong lockdown, 'yong quarantine, tapos unti-unti ko nang nararamdaman 'yong... 'Ang tagal ko nang walang trabaho.' Unti-unti ko nang nararamdaman 'yong, 'Hindi yata kami makakabalik muna [on air] kasi bawal pang bumalik sa studio. Tapos may mga namamatay na. Doon ako nagsimulang mag-panic."

Dagdag pa ni Vice: "Nakaka-stress. Araw-araw palala s'ya nang palala. 'Yung problema parang hindi humuhupa. Palaki lang s'ya nang palaki. Nakakatakot na... Nalaman ko na lang na natatakot na ako nu'ng takot na takot na ako."

Dumating din daw sa point na ayaw na n'yang lumabas ng bahay at magpapasok ng tao sa kanila. Hindi na rin daw n'ya dinalaw ang kanyang nanay sa takot na baka carrier s'ya ng sakit. 

Ligtas man daw na mahawa sa kinatatakutang respiratory illness ay mental illness naman daw isa p sa matinding nakalaban ng 44-year-old comedian.

"Habang nasa bahay ako, safe man ako sa sakit pero hindi ako safe sa lungkot," pahayag n'ya. "Hindi ako safe sa bagot. Hindi ako safe sa danger ng mental health issues. Sabi ko nga, 'Hindi nga ako magkaka-COVID pero mababaliw ako.'

Nakadagdag pa daw sa kinakaharap na takot sa COVID-19 ang pagkaka-shutdown nga ng ABS-CBN matapos mabigong makakuha ng broadcasting franchise renewal sa Congress.

"Hindi pa ako tapos sa COVID, may panibagong issue na naman akong haharapin. Sobrang laking epekto sa akin [ang pagpapatigil sa ABS-CBN na maka-ere] kasi 'yun ang main source ng kabuhayan ko. And at the same time 'yong mga taong malalapit sa sakin 'yun din ang main source ng hanapbuhay. 

"Gusto naming maka-ere kasi, unang-una, 'yun ang hanapbuhay namin at hanapbuhay ng napakarami. Pangalawa, hindi ko pa naihahanda 'yung sarili ko na malapit na 'yung araw na hindi na ako magta-trabaho o darating 'yong araw na wala na ako sa TV at hindi na ako nagpapatawa."

Bukod sa mga kinakaharap na takot sa COVID at problema sa ABS-CBN, nadagdagan pa raw ang lahat ng isa pang masakit na pangyayari—ginulantang siya ng biglaang pagkamatay ng kanyang best friend.

"Iniisip ko 'yong mga hindi magagandang nangyayari na may kinalaman sa COVID. Tapos sumabay 'yung hindi magandang nangyayari sa ABS-CBN. Tapos habang hinaharap ko 'yung mabibigat na dagok na 'yon, namatay 'yong bestfriend ko na kasama ko sa bahay, na nakasama ko sa bahay ng ilang dekada na."

At that time, litong-lito daw ang isip at puso ng TV host-comedian kung ano ang uunahin.

"Hindi ko alam kung ano'ng unang uunahin ko," pagre-recall pa ni Vice. "Hindi ko alam kung ano’ng unang issue. 'Yung COVID ba? 'Yong ABS? O 'yung namatay kong bestfriend? Ang bigat!"

Ngunit sa kabila daw ng lahat, pinipilit daw ni Vice na magpaka-tatag at maging positibo pa rin sa buhay.

"Nahirapan ako. Gulong-gulo ako. And I have been trying to remain positive. Hangga't makakaya ko I'm trying to remain positive kasi 'yun 'yung pinipilit kong ibahagi sa viewers ko, e, araw araw.

"I'm trying to be positive. Pero nu’ng sabay-sabay na, napadasal ako. Sabi ko, 'Lord, kaya ko po. Kaya ko naman po 'yung pagsubok N'yo, e. Pero p'wede po ba isa-isa lang? Kasi nu'ng nagsabay-sabay na, nahirapan ako talaga."

At sa puntong ito ng kanyang pagbabahagi,  napa-iyak na si Vice.

"'Lord," he went on, "Okey lang po 'yong bigyan mo ako ng dagok p’wede po ba isa-isa? Kasi nu’ng sabay-sabay na, nahirapan ako. Nababaliw ako talaga. 

"Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng solusyon at kung ano ang uunahin ko."

Nagpatong-patong man daw ang mga problema ay nananatili pa ring matatag ang paniniwala ni Vice sa Diyos.

"Hindi ko maintindihan kung paano pero naniniwala kasi ako sa D'yos, e, at naniniwala ako sa plano N’ya. Naniniwala ako sa diskarte N'ya. May rason 'to.

Sa ngayon, ang biggest lesson daw ni Vice sa lahat ng makadurog-pusong pangyayari sa buhay n'ya ay ang manatiling nakakapit sa D'yos. 

"Ang pinaka-malaking natutunan ko dito sa pinagdaanan natin, mga pinagdaanan ko, hindi pala ako ganu'n kalakas. At kailangan kong maramdaman na hindi ako ganu'n kalakas para kumapit ako du'n sa pinakamalakas... Si Lord," pahayag ni Vice. 

At thankful din daw s'ya na sa kabila ng mga nangyayari ay nananatiling ligtas ang kanyang pamilya at may Ion Perez na nagmamahal sa kanya. 

"Ang bigat nu'ng mga pangyayari pero ang bait ni Lord kasi habang may pinagdadaanan akong ganito, safe 'yung nanay ko. Prinotektahan ni Lord 'yong pamilya ko. 

"Pangalawa, bago mangyari ito, binigay N'ya sa akin si Ion. Hindi ko ma-imagine kung ano’ng nangyari sa akin, natatakot ako sa COVID, natatakot ako sa issue tungkol sa ABS, namatayan ako ng bestfriend...hindi ko alam kung ano’ng mangyayari sa akin kung nangyari [ang lahat ng] 'yon nang wala si Ion sa tabi ko para yakapin ako kapag umiiyak ako, para yakapin ako kapag nanginginig ako sa takot, kapag pinapasok ako ng anxiety...para hagurin 'yung likod ko pag malungkot na malungkot na ako. 'Yun lang na alam ko na meron akong kasama, napaka-laking bagay."

PANOORIN ang kabuuan ng Ang Istorya Ko Na 'Di Nyo Alam video ni Vice Ganda dito: 

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Vice Ganda, tipid mode din dahil sa pandemic

Bigat ng responsibilidad ng The Vice Ganda Network, handang pasanin ni Vice dahil aniya: “Hindi p’wedeng ngumanga.”

Pika's Pick: Vice Ganda reaches another milestone: 5M followers on TikTok!

Pika's Pick: Vice Ganda belies news that says TV5 rejected him due to his asking price of 3M monthly talent fee

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.