Para sa Star for All Seasons na si Vilma Santos, malaking sakripisyo ang ginawa niya noong sumabak siya sa pulitika.
Hindi raw naging madali sa kanya ang pagpasok sa nasabing larangan lalo't ibang-iba ito sa mundong kanyang ginagalawan.
Gayunpaman, wala raw naman siyang naging regrets dahil marami raw siyang natutunan lalo na pag dating sa serbisyo-publiko.
“Sa kaso ko kasi, hindi madali," panimulang pagbabalik-tanaw niya. "It’s really a sacrifice kung gusto mo talagang magsilbi. Ako noong naging public servant, na-sakrisyo ko talaga ang career ko. Sa priorities ko sa buhay, first priority is my immediate family; second is being a public servant. Ang medyo napunta sa third priority ko ay ang showbiz. My God, six years na wala akong nagawang pelikula kasi I got involved sa pagiging legislator. Hindi madali kasi batas na ang pinag-uusapan dito. Hindi kamukha ng local chief executive na para kang nanay. You take care of a bigger family. But being a congresswoman and a legislator, you really have to study.
"When I won in 1998 sa Lipa as the first woman mayor, nangapa talaga ako. In-enrol ako ni Ralph sa public administration and local governance sa UP. Hanggang naging mayor ako, hanggang naging congresswoman... every day is a learning process.
"Legacy na para sa akin iyong pinagkakakatiwalaan ka nila to serve them and for that I’m very thankful to my constituents,” ani Vilma.
Nakausap namin ang Star for All Seasons during her launch as Angkas endorser kamakailan. At sa nasabing press conference launch, nagbigay din ang dating congresswoman ng update sa kanyang pinagkakaabalahan sa kasalukuyan.
Ayon kay Vilma, masaya siya sa pagkakaroon ng YouTube channel na nadiskubre niya noong panahon ng pandemya.
Aniya, naging oportunidad daw ang kanyang vlog para makakonekta siya at maka-bonding ang kanyang mga tagahanga.
Natuto raw siya ng pagba-vlog sa tulong na rin ng kanyang anak na si Luis Manzano at misis nitong si Jessy Mendiola.
Hirit pa niya, siya raw ang nag-iisip ng content pag dating sa kanyang vlog at sobra raw siyang excited sa mga succeeding episodes na ipi-feature niya sa kanyang YT channel.
“Usually, iyong content sa akin nanggagaling and then, siguro iyong next kong gagawin—na bihirang-bihira at first time kong gagawin na looking forward ako na content kong gagawin—iyong kay Shawie na magko-collab kami.
"And then with Edgar Mortiz para naman sa mga Titos at Titas, o di ba? So, ito iyong nilo-look forward ko sa next content ko. More of mga ka-collab para makasama ko naman ang colleagues ko sa industry,” ani Vilma.
Dagdag pa niya, this time around, mas kaabang-abang daw ang mga itatampok niya sa kanyang vlog.
“Baka lalabas na ako kasi safer na ang environment natin sa Covid kasi natakot talaga ako noon dahil nagkaroon ako ng long Covid at hindi naging pleasant iyon sa akin. Natakot talaga akong lumabas before. But with everything that seems to be okay now, covid-wise, parang mas malakas na ang loob ko, so it’s gonna be exciting,” pagbabahagi niya.
Samantala, pagkatapos na magpahinga sa pulitika, magiging busy ang magaling at multi-awarded actress sa paggawa ng mga pelikula ngayong taon.
Nasa lineup na ang balik-tambalan nila ni Christopher de Leon sa isang OFW movie, isang pelikula na ididirehe ni Erik Matti, at isang proyekto sa Star Cinema.
At bagamat wala pa siyang plano sa susunod na eleksyon, hindi naman niya isinasara ang sarili sa posibilidad ng muling pagkandidato sa public office.
“Alam mo, sa totoo lang, I really don’t mind. Kasi, iba rin kasi ang fulfillment being a public servant. It’s very, very fulfilling. Kung may iisa man akong legacy na puwedeng iwan, palagay ko ito iyong serbisyong ginawa ko as a public servant," aniya.
“Pero, after three years, actually, wala pa sa isip ko with all honesty. Kung babalik ako, why not? Pero kung hindi, okey din. Palagay ko marami pa naman akong puwedeng gawin na interesting and looking forward ako na baka mag-direk ako, di ba? Marami pa. Marami pang puwedeng gawin na magiging exciting at open ako sa mga challenges na darating,” pagpapatuloy pa niya.
Samantala, si Ate Vi nga ang bagong kabalikat sa pag-eendorso ng Angkas, ang Pinoy motorcycle taxi company sa bansa.
“Masaya talaga ako sa project na ito. Alam kong malaki ang matutulong nito para i-angat ang sektor ng motorcycle taxis sa ating bansa,” aniya. “We share the same hopes and vision for the country in terms of providing jobs and at the same time in alleviating poverty.”
Ayon naman sa Angkas co-founder at CEO na si George Royeca, labis siyang nagpapasalamat sa Star for All Seasons sa suporta nito sa kanilang programa na makapagbigay ng hanapbahay sa libo-libong mga Pinoy.
YOU MAY ALSO LIKE:
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber