Hindi napigilang maiyak ni Star For All Seasons Vilma Santos nang mahingi ang saloobin niya kaugnay sa pinagdadaanan ngayon ng anak niyang si Luis Manzano.
Naganap ito ngayong araw, February 14, sa tsikahan nila ni Boy Abunda nang mag-guest siya sa TV program nitong Fast Talk With Boy Abunda sa GMA-7.
Nagse-celebrate ngayon ng kanyang 60th anniversary sa showbiz si Ate Vi kaya naman tinanong siya ni Tito Boy about her life and experiences gamit ang mga ilang memorable lines mula sa kanyang mga iconic movies.
Partikular na dito ang sinabi sa pelikulang Dekada '70 na: "Hindi masamang tao ang anak ko! Kahit sa oras na ito humarap ako sa D'yos, kahit sa demonyo, hindi masamang tao ang anak ko!"
Dito rin iniliko ng King of Talk ang kanilang tsikahan para mahingi ang saloobin niya about her son Luis.
Nitong mga nakalipas na araw lang kasi ay nag-issue na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa kanyang anak matapos itong masangkot sa isang gas station investment scam.
"Tanong lang, Vi, bilang ina, gaano kasakit ngayon ang maranasan na may pinagdadaanan ngayon ang anak mo na si Luis?" tanong ni Tito Boy sa kanya.
Naiyak na lang at hindi na nakapagsalita pa ang respetadong aktres.
"I'm sorry... I'm sorry, Tito Boy. It's not easy [to answer the question]. I'm sorry. It's not easy. I mean, ayokong i-entertain... And the only thing... I'm sorry," paulit-ulit na paghingi niya ng paumanhin.
Nang makabawi sa kanyang composure, inamin ni Ate Vi na masakit sa kanya na nakakaladkad sa mabigat na paratang ang kanyang panganay.
"Mahirap din kasi minsan na it's your job to do good, to show people that you're comfortable. Pero deep inside you're hurting," umiiyak na lahad niya.
Giit ng aktres, kilala niya ang kanyang anak at isa umano itong mabuting tao.
"And the only thing I can say is I know my son. Ang anak ko tumutulong, hindi nanloloko. Kaya 'yong mga nagsasalita at humuhusga sa kanya, dahan-dahan lang kayo," pakiusap ni Ate Vi.
"Walang ibang nakakakilala sa anak ko kundi ako and I know he's such a good person," she added.
Wala umano siyang dasal, lalo na ngayon, kundi mapabuti ang kanyang mga anak.
"Oh my God. At this point, we're asking for guidance not even for myself but for my children. Ako na lang, wag lang ang anak ko. Ako na lang," sabi n'ya habang umiiyak.
Muli rin siyang humingi ng paumanhin kay Tito Boy dahil hindi niya daw inakalang matatanong siya tungkol sa isyung kinakaharap ngayon ni Luis.
"I'm sorry, na-ano lang ako. Kasi hindi ko ito ine-entertain but I'm always in touch with my son. It is just hindi ko lang ine-entertain. Nadali mo lang ako, Tito Boy," saad niya.
Humingi din s'ya ng dasal para sa anak niya.
"And at this point in time, to all my friends at sa lahat ng kaibigan, it's just prayers because I know my son. Lalagpas din ito because I know him. I know my son," pagtitiyak ni Ate Vi.
Mensahe niya kay Luis: "You will be fine, anak. Maraming nagdadasal sa'yo. And the truth will prevail. Alam ng mga tao 'yan. Tumutulong ka anak, hindi ka nanloloko. And I love you. I love you, Lucky."
Matatandaan na nitong Biyernes, February 10, sa report na inilabas ng 24 Oras, ay pinadalhan ng subpoena ng mga taga-NBI ang TV host-actor sa kanilang bahay sa Taguig City dahil dawit umano ito sa reklamo ng nasa 40 investors na naglagak ng pera para sa Flex Fuel Petroleum Corporation.
Kuwento ng isa sa mga nag-invest, nagpakilala raw si Luis sa Zoom meeting nila before bilang owner and chairman ng FlexFuel kaya na-engganyo raw siyang manghiram ng pera sa bangko para mag-invest.
Pero lumipas na raw ang anim na buwan mula nang maglagay sila ng pera sa FlexFuel ay wala pang naitatayo ni isang gasoline station ang nasabing kumpanya.
Meron din namang complainant na handa umanong iurong ang reklamo laban sa aktor at sa FlexFuel kung maibabalik sa kanila ang kanilang pera kahit wala na ang ipinangako sa kanilang interest.
Nauna nang itinanggi ng FlexFuel ang mga ibinabatong alegasyon sa kanila. Na-apektuhan lang daw talaga ng pandemic ang kanilang negosyo.
Itinanggi na rin noon ni Luis, sa statement na inilabas ng kanyang kampo, ang paratang na bahagi siya ng pagpapatakbo ng FlexFuel, at maging siya ay biktima rin daw dahil nawalan din siya ng investment.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber