Willie Revillame, aminadong sobrang pinagpala kaya namigay ng P5M para sa mga “namamalimos” na jeepney drivers at tig-100K naman para sa pamilya ng mga namatayan sa Beirut explosion

PHOTOS: @willrevillame, PTV-4

PHOTOS: @willrevillame, PTV-4

Ilang linggo nang ginaganap sa Wil Tower, which is co-owned by Willie Revillame, ang mga press briefing ni presidential Spokesperson Harry Roque. Si Willie ang mismong nag-alok ng isang espasyo sa building niya, na located sa Quezon City, para gamitin ni Spox Roque dahil sarado ngayon ang NEB o ang New Executive Building sa Malacañang compound. 

At kaninang tanghali, August 7, bago magpa-alam si Spox Roque sa mga manonood ng PTV-4 kung saan napapanood ang press briefing ay impromptu niyang inanyayahan on-air ang host ng Tutok to Win sa Wowowin at co-owner ng Wil Tower na tila bumisita sa kanilang set.

Nagpak’welang naki-join si Willie, na Kuya Wil sa kanyang mga taga-subaybay, sa panel nina Spox Roque at ng guest nitong si Cavite Governor Jonvic Remulla. May dala kasi siyang tape measure at pabirong nagsukat ng distansya sa pagitan nila nga mga nasa panel.

Kalauan ay naupo na si Willie kaliwang dulo (audience’s POV), habang nasa gitna si Roque at nasa kanan naman si Remulla. Instantly tuloy ay tila naging guest si Willie sa ibang istasyon—in this case ay ang PTV-4.

“First time kong lumabas ng channel,” agad na paliwanag ni Willie. “Sa GMA, pasensya na kayo. PTV-4 naman ito at paglilingkod naman ito sa ating mga kababayan.”

At dahil sanay sa pagho-host, hindi na pinalagpas ni Willie ang chance na i-host ang last remaining minutes ng press briefing at tinanong sina Roque at Remulla na kapwa parte ng administrasyong Duterte hinggil sa mga ginagawa nilang hakbang upang tugunan ang krisis ngayon na dala ng COVID-19. 

Hindi ako politiko pero nandito ho ako, una, para magtanong bilang isang mamamayang Pilipino,” patuloy ni Willie. “Uunahin ko lang si Governor Remula, ano? Governor, no’ng dumating itong lockdown, nag-open ka ng SM, nag-open ka ng malls [sa Cavite], and then bigla mong isinara. Bakit naging ganu’n ang desisyon mo sa buhay?

Paliwanag naman ni Remulla, ginawa daw ang pagpapasara sa mga malls para mabigyan muna ng bagong guidelines ang mga security guards na limitahan ang mga pumapasok sa mall para ma-lessen ang movement ng tao. Isa kasi ang probinsya ng Cavite sa may pinaka-mataas na kaso ng COVID-19.

Nag-issue kasi ako ng quarantine pass para sa lahat ng residente,” pahayag ni Remulla. “Noong nagpa-investigate ako, 'yong mga guwardiya ng SM, lahat no’ng mga malls... ay imbes na i-check ’yong mga quarantine pass kahit sino na lang ang pinapapasok. 

“So, ang nangyari, noong Saturday-Sunday na ’yon, parang naging pasyalan ng bayan ang mall at sigurado ako tataas ang transmission ng virus. Kaya pinasara ko muna, binigyan ko ng guidelines. After two days ay binuksan na naman.

Sinang-ayunan naman ni Willie ang mabilis na naging hakbang ng gobernador. 

“Which I think, ’yon ang tamang ginagawa,” sabi ni Willie. “Kasi ang importante, I think, is ang proteksyon sa bawat mamamayan. Ang laging sinasabi ng politiko...ito bilang isang mamamayang Pilipino...kayo, nangangako kayo... Kasi nagkakampanya ako dati... puro pangako. ‘Para sa bayan.’

Palagay ko ang dapat unahin ’yong mamamayan. Kasi ang mamamayan ang nagpapatakbo ng bayan. Paano mabubuhay ang isang bayan kung ang mamamayan natin hindi natin inaalagaan?

Hindi rin pinalagpas ni Willie na matanong si Spox Roque kung ano ang mangyayari sa mga tao lalo na ’yong mga mahihirap ngayong balik lockdown dahil patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases.

Ratsada  ni Willie: “Saan papunta ang mga katulad naming Pilipino? Ito ang tanong ko sa pamahalaan n’yo. Papano ang mga jeepney drivers na umiiyak, namamalimos... Mga OFWs... Mga kawawang isang kahig-isang tuka na mga Pilipino...papano ito mabubuhay ngayon sa pinagdadaanan natin?” 

Tugon naman ni Roque, nagbigay naman daw ng tulong-pinansyal ang pamahalaan sa mga nawalan ng trabaho. At ngayon nga raw ay inuunti-unti na ang pagbubukas ng mga economic activities para magkaroon na muli ng kita ang mga tao. 

Talagang napakasakit po nang nangyari sa ’tin dito sa pandemya ng COVID-19 na hindi po talaga natin inasahan,” paliwanag ni Roque. “Pero nakikita n’yo po, nagkakapit-bisig tayo, ginagamit po natin ang kaban ng bayan [nang] sa ganitong paraan po matulungan ang lahat na makabangon.

Unang-una po nagbigay tayo ng ayuda dahil alam natin na habang walang hanap-buhay, kailangang makakain pa rin. At alam natin po hindi sapat yan. Pero ngayon po, unti-unti na po tayong nagbubukas, unti-unti na po tayong nagsasabi na: ‘Taumbayan, kinakailangan po mabuhay tayo na naririyan ang COVID-19. Kinakailangan po na ingatan natin ang kalusugan para tayo po ay makapagbalik hanap-buhay.’

'Yan ang laging sinasabi n’yo e,” komento naman ng 59-year-old variety show host sa sagot ni Roque. “Bakit hindi tayo humingi ng tulong sa nakakataas sa buhay? Lagi na lang bang gobyerno ang aasahan natin? Marami din namang mga kababayan natin na maluluwag sa buhay. Hindi ba p’wedeng makiusap ang presidente? Hindi ba p’wede? Laging gobyerno ang sisisihin? Gobyerno na lang ang aasahan?

At dito na ini-reveal ni Willie ang tunay na dahilang ng pagsilip niya sa set ng press briefing si Spox Roque at yon ay para mag-abot ng tulong partikular sa mga nanlilimos na umanong jeepney drivers,

Meron din namang mga tao d’yan...katulad ko,” pagpapatuloy ni Willie. “Bilang isang mamamayang Pilipino na pinagpala...ako’y blessed na blessed. May programa ako sa GMA-7 from 5 to 6:30 [ng hapon] na nakaka-tulong, ’yong Tutok to Win...

Nakaka-dugo ng puso kapag nakikita mo ’yong mga namamalimos na jeepney drivers, [sa jeep] nakatira...’yong sa OFWs natin... 

Ako ay isang mamamayan na pinagpala...na nabanggit ko sa’yo [Roque] dati na gusto kong tumulong [galing] sa sarili kong pinag-ipunan dahil ako naman po ay may trabaho ngayon. At s'yempre napakahirap...gusto kong tumulong. Una, doon sa mga jeepney drivers. Sa tingin ko ito ang mga unang nangangailangan. Nakita ko ’yong sa Maynila—hirap na hirap. 'Yon [ding] sa Quezon City...”

At direkta na ngang sinaad ni Willie na magbibigay nga siya ng ayuda sa mga uma-aray na jeepney drivers dahil ilang buwan ngang wala silang pasada. Hindi pa man kasi sila nakakabawi ng kita nang mag-shift sa General Community Quaratine ang Metro Manila and nearby provinces nito lamang Hunyo ay balik-lockdown na naman ngayong Agosto.

“I am willing to give sa akin pong naipon,” diin ni Willie. “Hindi naman ’to pagmamayabang, ’no? Ito lang ang p’wede kong maitulong sa gobyerno kasi hindi naman ako p’wedeng lumapit kay Mr. President, sa mahal na pangulo na: ‘Eto ibibigay ko.’ Hindi magandang tingnan. Siguro ho sa inyo [Spox. Roque] na lang. 

Ang balak ko ho, e, magbigay ng five million ngayon—sa araw na ito. At handa ako na ibibigay sa jeepney drivers na talagang namamalimos na.  Hindi ko lang alam kung paano ibibigay. Una, Maynila, Quezon City. I think ’yong mga namamalimos pinapahanap ko yan.

Pabirong sumingit si Governor Remulla na isama umano ni Willie sa bibiyayaan ang mga drivers na taga-Cavite.

Ah, Cavite...mayaman yan,” ganting-biro naman ng TV host-comedian. “Mayaman sa sugpo yan at talaba so... Tinanong kita kanina. Sabi mo, ‘Kaya pa naman namin.’ Wag ka magsinungaling!

Tinanong ko s'ya,” baling ni Willie sa audience. “‘Kumusta ang buhay sa Cavite?’ ‘Kaya pa naman namin.’ At least, honest.”

Habang ume-ere pa sila sa PTV-4 ay inilabas na nga ni Willie ang dala n’yang tseke para maibigay kay Roque.  

Meron akong tseke dito...para alam ng tao,” sey pa ni Willie.  “Hinanda ko ’to. Five million para sa mga jeepney drivers. Ngayon, eto ho pangako ko...hindi ho ito pagbubuhat ng bangko dahil sobra hong pinagpala ako dahil, I think, sa industriya, ako lang naman ’yong may trabaho ngayon nang live. 

“Five million ngayon and then next month magbibigay uli ako ng five million para ho doon sa mga taong talagang nangangailangan. Kung kakayanin ko nang monthly ito, sasabihin ko kay Secretary Roque.”

Thankful naman na tinanggap ni Roque ang tulong mula kay Willie at sinabing agad niya itong itu-turn over sa Department of Social Welfare and Development [DSWD] at Department of Transportation [DOTr] dahil meron na daw sistema sa pamimigay ng ayuda ang mga nabanggit na ahensya.

Hindi rin nakaligtaan ni Willie ang mga pamilya ng mga OFWs [Overseas Filipino Workers] na nasawi sa Beirut explosion last August 4 sa kabisera ng Lebanon, kung saan apat na kababayan natin ang kabilang sa mga namatay habang 31 naman ang nasugatan. 

Sa ating mga kababayan, nabasa ko ’yong nangyari sa Beirut para... Kung tutulong ka, lubos-lubusin mo na,” sey pa ng galanteng TV host. “'Yong apat po na pamilya na naulila, I’m willing to give [them], one hundred thousand each. 

Nagdudugo ang puso ko sa ating mga kababayan. I'm so blessed. Napakabait ng Panginoong D'yos sa akin. Ako po ay may programa na nagbibigay din ng tulong. Basta hangga’t kaya kong tumulong, kasama ko naman ang GMA-7 d’yan, ang gagawin ko, 'yong apat pong pamilya na naulila, kokontakin kayo.”

Ani Roque sa OWWA [Overseas Workers Welfare Administration] naman daw niya ibibigay ang tulong ni Willie para makadagdag sa benepisyong galing naman sa OWWA.

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.