Willie Revillame, sinorpresa ang dalawang Wowowin dancers

Willie gets thank you hugs from Wowowin dancers Baby Gene (left) and Lyka Makino.

PHOTOS: Anna Pingol

Willie gets thank you hugs from Wowowin dancers Baby Gene (left) and Lyka Makino.

Noong nakaraang Biyernes, October 12, ay pormal nang nagpaalam sa programang Wowowin ng GMA-7 at sa host-producer nitong si Willie Revillame ang dalawang Wowowin dancers na sina Lyka Makino at Geneva Reyes, na mas kilala sa bansag na Baby Gene.

 

Madamdamin ang naging pamamaalam ng dalawa sa mga kasamahang mananayaw, sa kanilang nanay-nanayan na si Anna Feliciano (veteran choreographer), at sa kanilang tinaguriang si Kuya Wil dahil malaki ang naitulong ng show at ni Willie sa respective lives nila.

 

Pero kinailangan na nilang bumitiw para harapin ang mga panibagong careers nila—si Lyka ay nakapasa bilang stewardess sa Air Asia, habang si Baby Gene naman ay makikipagsapalaran bilang OFW sa Singapore para sa lumalaking pangangailan ng kanyang pamilya.

 

Pagkatapos ng show ay ipinatawag ni Willie ang dalawang dancers sa dining area kung saan siya kasalukuyang nagdi-dinner break. Kasunod noon ay ipinatawag din ni Willie ang kanyang finance officer. Nasaksihan ng pikapika kung paanong inutusan ni Willie ang kanyang finance man na bukod sa huling sweldo ng dalawa bilang dancers ay dagdagan pa anya nito ng tig-isang buwang sweldo ang dalawa bilang bonus at pa-goodluck na rin niya sa mga ito.

 

Muling napaluha ang dalawa at parang mga batang nagsitakbo sila sa TV host para yakapin ito at personal na magpasalamat. Instantly ay nag-uwi ng tig-P36,000 ang dalawa.

 

“Thank you, Kuya Wil, may pandagdag na ako sa bond,” sabi ni Lyka kay Willie. “May bond kasi kaming babayaran po…pero sa amin pa din naman ’yon. Kumbaga, part lang ng rule nila sa mga baguhang [stewardess] na gaya ko. Tamang-tama kasi may kulang pa talaga ako doon.”

 

“Ako din, Kuya, salamat talaga,” segunda naman ni Baby Gene.

 

“Para may maiwan kang konti sa anak mo,” sabi ni Willie kay Baby Gene.

 

Matapos ang yakapan ay pabirong pinalayas na ni Willie ang mga ito.

 

“O sige na, sige na…lumayas na kayo! Hahaha!” say ni Willie sa dalawa in his trademark karinyo-brutal style. “Pero seriously, goodluck sa inyo, ha.”

 

 

YOU MAY ALSO LIKE:

 

Willie Revillame, nagpa-dinner ng 30 babae sa Penthouse ng building niya

Willie, may bago bang nililigawan?

 

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.