Xian, humaling kay Kim Chiu: thinks she's "the one."

PHOTOS: @chinitaprincess

PHOTOS: @chinitaprincess

Kay TV host Boy Abunda unang umamin si Kim Chiu tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon ni Xian. 

Ito ay sa November 14, 2018 episode ng Tonight With Boy Abunda (TWBA) kung saan kinumpirma ni Kim na boyfriend na niya ang naging perennial on-screen partner niyang si Xian, na una niyang naka-tambal sa My Binondo Girl noong 2011.

Dahil sa lakas ng chemistry nila noon sa My Binondo Girl ay nagsimula na silang ma-link romantically hanggang nagkasunod-sunod na nga ang mga TV at film projects nila together gaya ng Ina, Kapatid, Anak (2012), The Story of Us (2016), Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo? (2013), Bride For Rent (2014), Past Tense (2014), at All You Need is Pag-Ibig (2015).

Bagama’t marami ang naniniwala na ang on-screen romance nila ay nae-extend na rin off-cam, walang inamin ang dalawa tungkol sa estado nila all these years, except last year, nang maudyok nga ni Boy Abunda si Kim.

Kamakailan sa media conference ng pelikulang pinagbibidahan at kino-produce ni Xian Lim with Viva Films at BluArt Productions, ang Hanggang Kailan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga members of the movie press na finally ay hingan ng official statement si Xian tungkol kay Kim (bagama’t hindi ito kasali sa Hanggang Kailan). 

Fresh pa kasi sa memory ng mga taga-media ang matatamis na moments na pinost nilang dalawa sa kani-kanilang Instagram accounts highlighting their New Year vacation in China na tinawag pa ni Kim na “making memories with Xian.”

Ayon kay Xian, hindi nila inamin noon ang tungkol sa pagkaka-mabutihan nila dahil ayaw nilang maparatangan silang pang-promo lang ng mga projects nila ang pagiging sila. At least daw, ngayong matagal na silang hindi nagtatambal sa anumang project, wala na raw sigurong masasabi ang mga tao.

Pero bagama’t open na open na sila sa kanilang relasyon, ayaw pa ring i-reveal ni Xian kung kailan naging sila ni Kim.

“Next time na ’yon para naman hindi all out,” pag-iwas ni Xian. “Kayo naman.  Hahaha! I mean, [it’s been] a couple of years now.”

 

READY TO DO ANOTHER PROJECT WITH KIM

Sa maikling panayam ng ilang members of the press kay Xian kabilang ang pikapika, inamin ni Xian na name-miss na niyang maka-trabaho si Kim.

At dahil sumusubok na ring maging director si Xian—his first full-length movie is the official Cinemalaya 2019 entry, Tabon—marami ang curious kung handa rin ba siyang mai-direct si Kim in the future?

“Parang nakaka-kabang isipin,” natatawang pag-amin niya.

Hindi ko pa naiisip ’yon pero why not? Why not?”

Napanood raw ni Xian ang One Great Love movie ni Kim na entry in last year’s Metro Manila Film Festival kaya’t aware naman daw siya sa nagpaka-daring ang nobya sa pelikula. 

Wala daw anumang naging epekto sa kanya nang makita niya ang nobya na may ka-love scene sa pelikula.

“Siguro kung bata-bata pa kami, siguro kung mga 2013 ko napanood ’yon, ‘Uuuyyy!’ Baka magulat ako nang sobra. Pero after doing Sin Island, after doing this film [Hanggang Kailan]...

“Iba naman po kasi siya pag ginagawa mo, wala naman talaga siya. Kumbaga nando’n na kami sa level na may tiwala na kami sa isa’t-isa. Hindi na kailangang matakot pa.”

Muli ay tinanong si Xian kung kaya ba niyang i-direk si Kim in a love scene at agad niyang sinagot na hindi.

“Ipipikit ko muna ang aking mga mata…sabihin n’yo sa akin kung okay na. Hahahahaha!”

Pero game daw siya sa daring scene with Kim, na ididirek ng iba, sakaling mabigyan sila ulit ng chance na magka-trabaho together.

“Ay depende sa istorya yan. Ang hirap nga maka-land ng project kay Kim. Hanggang ngayon wala pa rin, e. Hopefully, hopefully dumating kami sa point na gano’n…kung kailangan naman po s’ya story. Pero hopefully kung mabigyan kami uli ng pagkakataong magkatrabaho.”

 

KIMXI MADE MEMORIES IN CHINA

Hindi first time na magbakasyon together nina Kim ant Xian, na mas kilala sa uniname nilang KimXi. Pero ang leading to the New Year na pagtu-tour nila sa iba’t-ibang part ng China—(gaya ng Shanghai, Shaanxi Province kung saan nandoon ang city of Xi An na pinagkuhanan ng pangalan ni Xian, at sa snowy Harbin)—ang tila mas nag-seal ng relasyon nila sa mata ng kanilang mga followers dahil bukod sa mga touchy-feely picture posts nila ay ramdam din ang pagmamahalan nila sa mga captions na kalakip ng ilan sa mga posts.

Marami raw silang pagkaka-iba ni Kim sa ugali gaya ng introvert siya, habang extrovert at hyper naman si Kim. At mas napatunayan niya raw ito sa China vacation nila.

“Vlog siya nang vlog,” natatawang tsika ni Xian. “Nakakatuwa nga. Kaya sabi ko talaga sa kanya sige mag-vlog ka kasi ang dami niyang ginagawa… ang dami niyang gustong mangyari. ‘Maganda ma-capture mo yan sa ano [video]…’

Mas OA [overacting] na raw nag-vlog si Kim ngayon kumpara sa kanya na humikayat lang kay Kim.

“OA na OA,” tawang muli ni Xian. “Maya’t maya, ‘Hello everybody…’ Hahaha!”

Ibinisto pa ni Xian na sa sobrang hyper daw ni Kim ay nagawa nitong makapag-book ng apat na tour guide para sa iisang tour nila sa Harbin.

K’wento ni Xian: “Mabilis si Kim mataranta. Dito sa trip naming ito, kasi sa sobrang hyper niya book siya nang book nang book nang book nang book… hanggang sa naka-book siya ng apat na tour na sabay-sabay sa oras na ’yon. So, nataranta siya, nataranta siya. ‘Ano’ng gagawin ko?’ Cancel, cancel, cancel. Hindi pala na-cancel. Akala lang niya naka-cancel lahat.

So apat na tour guide ’yong pumunta sa hotel, apat na kotse. So, sabi ko ‘Ah ok. . .’ Binayaran namin. Kailangan bayaran, e. Sabi ko, ‘Kim sabi ko syo chill ka lang, e

Ayon kay Xian, napag-diskusyunan nila ni Kim ang tungkol dito pero hindi raw ito humantong sa away or sa anumang makakasira hindi lang ng relasyon kundi pati ng vacation mood nila.

Besides, bawing-bawi naman daw si Kim sa kalambingan nito.

“Ako, ’yon talaga ’yong kumbaga, nahumaling ako do’n sa pagka-lambing niya,” natatawang amin na naman ni Xian.

Wala pa raw silang mako-consider na major away ni Kim. Ang napapag-talunan lang nila mostly ay oras o ang kawalan nito.

“Sometimes nakakalimutan namin kasi ang dami naming ginagawa. So, do’n lang talaga ’yong malalaki naming away na parang, ‘Oh, ano na? Kailan tayo magkikita?’”

At dahil nga sa kakulangan minsan sa oras dahil marami pa silang ibang priorities, hindi pa raw sumasagi sa isip nila ang tungkol sa kasal bagamat pareho na silang mako-consider na nasa marrying age, 28 si Kim, habang 29 naman si Xian.

Pero sa tanong kung si Kim na ba ang “the one?” 

“I think dapat kung magmamahal kayo, nando’n talaga ’yon on the back of your head na sana ito na ’to. I mean, ang pangit naman magmahal na tayo lang muna, then enjoy-enjoy. Hindi maganda ’yon. So dapat may gano’ng mentality, dapat may gano’ng mindset.”

Here’s the portion of Xian’s video interview about Kim:

 

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.