Yul Servo, non-stop na tinutulungan ni Piolo Pascual; puring-puri ang kaibigan sa dami ng scholars

PHOTOS: Anna Pingol & @piolo_pascual

PHOTOS: Anna Pingol & @piolo_pascual

Matagal na ang pagkaka-ibigang Yul Servo at Piolo Pascual at kahit daw hindi na sila nagkikita halos ay napapanatili naman daw nila ang friendship nila na sinubok na ng panahon at maraming intriga. Mas na-sementuhan pa iyon nang kuhaning ninong ni Yul si Piolo—fondly called PJ in showbiz—sa hindi lang isa kundi sa apat sa lima niyang anak.

 

Ang panganay lang daw niyang lalaki, na bente anyos na, ang hindi naging inaanak ni PJ dahil hindi pa sila magkakilala noong maging baby niya ito. Pero ang apat na sumunod—with ages 15, 14, 11, and 2—ay pawang mga inaanak ni PJ.

 

“Galante kasing magpa-kimkim ’yon,” nakangiting biro ni Yul na naka-usap ng pikapika at iba pang members of entertainment media sa birthday press conference niya last Monday, February 25, sa Limbaga 77 Restaurant in Quezon City.

 

Dagdag pa niya: “Galante ding mag-regalo.”

 

Hindi lang naman daw si Piolo ang four times niya kinuha bilang second parent ng mga anak niya. Nakaugalian na raw niya kasi ’yon dahil gusto niya ay mga trusted na tao ang maging ninong at ninang ng mga anak.

“Si Direk Maryo [delos Reyes], apat din sa mga anak ko, inaanak niya; si Tita Cristy Fermin…kasi kung may tatay-tatayan ako kay Direk Maryo, si Tita Cristy naman ang nanay-nanayan ko. Si Senator Jinggoy [Estrada]…’yong panganay ko, puro pulis naman ang naging ninong no’n.”

 

Pero mabalik kay Piolo, totoo daw na galante ang kumpare niyang iyon. Pero hindi naman daw ’yon ang dahilan kung bakit lagi niyang kinukuhang ninong kundi dahil nga naka-ugalian nalang niya na kung sino ang ninong at inang ng mga nauna ay siya na rin sa mga sumunod.

 

At hindi lang naman daw sa mga anak niya galante si PJ, kundi maging sa mga nangangailangan. In fact, kahit wala pa raw siya sa public service ng city government of Manila ay isa na ang Maynila sa mga nakikinabang sa mga paabot na tulong ni PJ through his Hebreo Foundation.

 

“Pero no’ng nag-konsehal ako noong 2007 hanggang sa ngayon na nasa Congress na ako, sa akin na niya idinadaan ang mga tulong niya kaya natutuwa naman ako kasi kumbaga, naambunan ’yong mga kababayan ko sa District 3 (Binondo, Quiapo, San Nicolas, at Sta. Cruz). Ako naman, iniikot ko ’yong mga padala..

 

Madalas daw ay nagpapa-abot ng tulong or kawanggawa si PJ sa kanya tuwing Disyembre o kaya naman sa pag birthday month nito na Enero. Kagaya daw nito lang nearing Enero, nagpa-abot ng kawanggawa si PJ sa 1,500 na pamilya sa Distrito ni Yul.

 

May pagkakataon daw na nagpadala din si PJ ng 5,000 bags na puno ng goods para ipamahagi sa mga nasasakupan ni Yul.

 

“At ang mga padala niya, galante!,” bulalas ni Yul. “Kumbaga hindi bigay-pulitiko…maraming laman, may de-lata, bigas, me shampoo, me sabon… dati no’ng nagka-sunog ng malaki, may dagdag pang tig-iisang kilo ng ham.”

 

Madalas din daw niya itong ma-solicit-an ng tulong lalo na noong bago palang siya sa public service. Pero ngayon daw ay nahihiya na siya dahil alam naman daw niyang nagkukusa naman ito.

 

“Maganda ’yong pinamigay naming sapatos, ah!” parang batang pagmamalaki ni Yul. World Balance ’yon…’yong Easy-Soft? Kung mga two years lang tatagal ang mga ’yon.”

 

May ilang beses na rin daw nag-live appearance si Piolo sa distrito ni Yul, pero never daw during kampanyahan. Pag natataon lang daw na okay ang schedule nito at swak din sa mga charitable activities ng Hebreo Foundation nito. Pero ang pinaka-una nitong live appearance ay noong 2007, noong itinatag ng noon ay konsehal palang na si Yul ang Pili at Pino art and culture project.

 

“Nagpunta siya tapos kumanta pa siya ng dalawang beses.”

 

Marami din daw iba pang taga-showbiz ang nagpapa-abot ng tulong at supporta kay Yul. Isa na rito ang late mentor at manager niyang si Direk Maryo J. delos Reyes. Isa rin daw si Senator Jinggoy Estrada sa madalas niyang malapitan noong araw kapag may mga hiling ang mga kababayan niya na hindi niya kayang solusyunan as konsehal.

 

“Pag senador kasi, may guarantee letter sila, saka mas may pondo sila,” paliwanag ni Yul.

 

Pero aminado siyang si Piolo ay talagang pinaka-consistent sa pagtulong at alam naman daw niyang hindi lang sa kanya kundi sa marami pang tao.

 

“Matulungin talaga ’yon,” patuloy ni Yul. Ayaw lang niyang pinapa-alam. Ako lang ang nagku-k’wento ngayon. Hahaha! Pero biruin mo, sa scholars palang niya, halos daan na yata.”

 

Sa pagbabalik-tanaw ni Yul, mag-co-star palang sila ni PJ sa Sa Puso Ko Iingatan ng ABS-CBN (2001-2003), ay pareho silang nangangarap mag-public service. “Pero ako ’yong natuloy. Pero siya, ang scholars niya eighty-eight na bata…na may unlimited na pondo…kumbaga, hanggang maka-graduate yong mga bata. ’Yon ang nakaka-bilib sa kanya. Kahit hindi siya mag-pulitiko, lingkod-bayan na siya.

 

“Ako, meron din akong mga scholars, mga 800…tinutulungan naman ako ng CHED (Commission on Higher Education) saka ng DSWD (Department of Social Welfare and Development). Sabi ko nga [kay Piolo], ‘Brod, baka p’wede din ako magpasok ng scholar diyan?’ P’wede naman daw.”

 

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.