Heart Evangelista, sa Sorsogon na titira?

Sa bahay nila sa Quezon City na-lockdown ang aktres na si Heart Evangelista, habang sa probinsya naman ng Sorsogon ginugol ng asawa niyang si Governor Chiz Escudero ang more than three months na lockdown.

Gustuhin man nilang bisitahin ang isa’t isa ay hindi maari at that time. Bawal pa kasing bumiyahe.

Ginugol nalang ni Heart ang oras sa pagpipinta at paggawa ng kung anu-anong charity efforts.

Nang i-deklara nang under GCQ (General Community Quarantine) ang Metro Manila ay agad na sinundo ni Gov. Chiz ang asawa para dalhin sa Sorsogon, kung saan itinuturing itong “first lady” ng mga taga-roon.

Mula June 30 ay balik sa buhay may-asawa si Heart sa piling ni Gov. Chiz.

Base sa mga post ni Heart sa social media, tila enjoy na enjoy ng Kapuso actress ang buhay-probinsya. Halatang at peace si Heart doon.

Sa bawat post ni Heart ay naipapakita niya ang beauty ng Sorsogon na nilalakipan lagi niya ng hashtag na: #MahalKongSorsogon.

Sariwa nga naman hindi lang hangin, kundi maging ang mga kinakain nila sa araw-araw. 

Tila expert na nga rin siya sa mga kakanin doon.

Wiling-wili si Heart sa paglilibot sa probinsya, both para mamasyal at para alamin ang kalagayan ng mga kababayan doon.

Isa sa kinahihiligang gawin ni Heart doon ay ang pagkilatis at pag-promote ng mga handicrafts ng Sorsogon. 

Madalas niyang i-model sa social media ang mga native bags, tsinelas, at fashion accessories na gawa doon na ang class ng dating pag si Heart na ang nagsuot.

At nagpapaturo pa siya kung paano gawin ang ilan doon. Pinapangakuan din niya ang mga cottage industry doon na tutulungan niya sa abot ng makakaya.

At dahil likas na matulungin, nag-organisa din si Heart ng mga charity events doon para sa mga frontliners at iba pang nangangailangan ng tulong.

Nagkaroon din si Heart ng oras pa i-redecorate ang bahay nila doon gamit ang mga nabiling native products gaya ng kurtina na gawa sa balat ng pili nuts.

At dahil na-inspire sa greeneries na nakikita niya araw-araw sa labas ng bahay, naisipan tuloy ni Heart na pintahan ng “nature” ang isa sa mga guest rooms nila doon.

Mukhang magtatagal pa si Heart doon. Limited pa rin naman ang p’wedeng gawin sa showbiz at this point kaya malamang na mas naisin niyang doon na muna siya. 

Kapiling na ang asawa, nare-relax pa siya.

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.