Tutoong Buhay ng mga Sikat: Amalia Fuentes

pikapika.ph proudly presents “Tutoong Buhay ng mga Sikat: Amalia Fuentes.” 

After movie queen Gloria Romero, we now give you another queen, the late Amalia Fuentes, ang tinaguriang Elizabeth Taylor of the Philippines.

And just like our Gloria Romero feature, this comes with some of her never-before-seen photographs na galing mismo sa mga personal album niya na pinakuhanan sa amin ng apo niyang si Alfonso Martinez, the assigned custodian of her properties.

Once again, here’s our resident film critic and editorialist Butch Francisco—na ka-village din ng ating reyna— tracing back the colorful life of a once hard-luck child who became a movie queen.

Here’s Butch:  

Simula nu’ng i-produce ang kauna-unahang Filipino film na Dalagang Bukid na pinagbidahan ni Atang de la Rama, nagkaroon na ng daang libong artista ang pelikulang Pilipino.    

Pero wala pang beinte ang maaring tawaging tutoong movie queen. Isa na sa maikling listahang ito ang pangalang Amalia Fuentes.

Pero ano na nga ba ang naging buhay ng Elizabeth Taylor of the Philippines na si Amalia Fuentes?

Aug. 8, 1940 nang isilang si Amalia. Siya ay pinangalanang Amalia Margarita Amador Muhlach.   

Ang kanyang lolo at lolang sina Alejandro at Amalia ay galing Barcelona - sa Espana. Marahil ay may German blood din sila dahil ang Muhlach ay tunog Aleman.    

Nagtungo sa Pilipinas sina Alejandro at Amalia nung early 1900s. American Occupation na nun – at hindi na uso ang mga Kastila. 

Sa Maynila, nag-negosyo ang mag-asawa ng mga karuwahe – with matching kabayo.    

Nagkaroon sila ng isang anak – si Alvaro na lumaking boksingero. Ang tawag sa kanya ay Tony Tapia. Sa Kastila ang ibig sabihin ng Tapia ay pader. Nabansagan siya siguro ng ganun dahil ang mga katunggali niya ay parang nakikipagsuntukan sa pader kapag siya ang kalaban.    

Dahil hindi naman pang-habang-buhay ang pagbo-boksing, naghanap siya ng ibang trabaho. No, hindi siya nag-senador tulad ng ibang retiradong atleta. At lalong hindi nangarap mag-presidente.

Pumasok si Alvaro sa opisina ng United Artists na nagdi-distribute sa Maynila ng mga Hollywood films. Mga panahong ito nang makilala niya ang Chinese-Bicolana na si Concepcion Amador. Nagka-inlaban at bumuo ng pamilya. Panganay si Amalia sa mga anak. Sumunod sina Alejandro na naging tatay ni Niño Muhlach at si Alvaro, Jr. o Cheng na naging ama ni Aga Muhlach.    

Sa simula ay masagana ang buhay ng mag-anak. Kaya lang ay dumating ang mga Hapon. Nang patapos na ang giyera ay nagdesisyon si Alvaro Sr. na dalhin ang pamilya sa Espanya. Kaya lang nung liberation ay nasangkot siya sa isang freak accident na kanyang ikinasawi: Nasabugan siya gulong na ginamit nila sa kariton na kanilang itinutulak pabalik ng Maynila matapos mag-evacuate sa probinsiya.   

Dito gumuho ang buhay ni Amalia. Five years old pa lang siya ng maulila sa ama. Nung siya ay 9 years old, nag-asawa muli ang kanyang ina – kay Isagani Fuentes. Dito niya kinuha ang screen name ni Amalia noong siya ay mag-artista. Nagkaroon pa siya ng apat na half-brothers: sina Jose, Isagani Jr., Ruben, at David.

Miserable ang buhay ni Amalia habang lumalaki. Strikto ang kanyang stepfather na naging pastor. Lipat sila ng lipat sa buong Mindanao kaya nahirapan siyang magkaroon ng mga kaibigan. Tapos, salat na salat pa sila sa materyal na bagay.  

Nang si Amalia ay kinse anyos, dinala ni Concepcion ang mga anak sa Maynila – sa Pasay. Patapos na ng high school si Amalia nun at nag-apply siya ng scholarship sa isang unibersidad sa Amerika.   

Nang dumating ang bakasyon sa eskuwela, namasyal si Amalia at ang kanyang ina sa Sampaguita Pictures upang makakita ng mga artista. Dito siya nadiskubre.    

Ayaw sana niyang mag-artista dahil hinihintay niya ang kanyang scholarship. Gusto niya talagang mag-aral. Kaya lang ay kailangan din nila ng dagdag-kita. Napilitan tuloy siyang pumirma ng kontrata sa Sampaguita. Well, dumating din nga pala ang scholarship. Pero late na.    

Ang mungkahi ng studio ay isali muna siya sa isang contest na Miss Number One ang tawag - upang mapakilala sa publiko. S’yempre, siya ang naging Miss Number One. Miss Number 4 si Nori Dalisay, ang original na pambansang best friend sa pelikula. Sumali di pala si Madame Auring sa contest na ito, pero hindi pinalad.

Bilang bagong artista, ang sahod ni Amalia ay P500 per picture at may weekly allowance na P50 kahit walang ginagawa. Di na niya natapos ang kontratang ito. Dahil naging matunog siya sa publiko, agad siyang ginawang bida at P8,000 per picture.   

Sikat na sikat si Amalia nu’n, pero suplada. Tamad din pumirma ng autograph. Sa sobrang kasupladahan, kahit ang kanyang No. 1 fan na si Angge (Cornelia “Angge” Lee) ay lumipat ng kampo – kay Susan Roces na matinding karibal ni Amalia.     

Suplada na kung suplada. Kumikita pa din ang mga pelikula ni Amalia sa takilya.    

Matapos ang ilang taon ay naipundar niya ang una niyang bahay sa New Manila din. Actually, inutang niya ang pinagpagawa ng bahay. Habang nagbabayad ng loan ay nahulog siya sa kabayo nung ginagawa niya ang pelikulang Tulisan. Dahil nabali ang kanyang tadyang, di siya makapagtrabaho.

May binubuno pa siyang loan sa banko kaya siya nag-panic. Dito na dumating ang offer upang gumawa ng pelikula sa labas ng Sampaguita. P50,000 na tumataginting. Tinanggap niya ito kahit under contract pa siya sa kanyang mother studio kaya nagka-demandahan.

Oo, bago pa nauso ang network war ay nauna na si Amalia sa pagtalon ng bakod. Kalaunan ay nagtayo si Amalia ng kanyang sariling film outfit – ang AM o Amalia Muhlach Productions.

Pero di lamang puro work ang ginawa niya. Na-in love din. Minsan kay Fernando Poe, Jr. - na naging boyfriend niya bago dumating si Susan Roces sa eksena. Niligawan din siya ng mayamang si Gonzalo Blanco na naging tatay ni Jackie Lou Blanco.

Pero si Romeo Vasquez ang kanyang pinakasalan – sa isang simbahan sa Hong Kong. Nagkaroon sila ng isang anak – si Liezl Martinez.

Sabi ni Romeo ay minahal niyang tunay si Amalia – kaya lang masyado daw itong matapang.

Nu’ng mga late 1960s ay nauso ang kursilyo o spiritual retreat. Isang beses ay may lumapit na babae sa kanya at nagpakilala bilang kapatid ng unang asawa ni Romeo na kasal na pala sa iba. Nagtungo pa si Amalia sa Rome upang mapawalang-bisa and marriage contract nila ni Romeo.   

Na-in love muli si Amalia pagkatapos nu’n – kay Eddie Gutierrez ... nu’ng wala pa si Annabelle Rama.    

Ang last love ni Amalia ay si Joey Stevens na golf buddy ni Ferdinand Marcos. Nag-ampon pa sila ng anak – si Geric. Pero nauwi din sa hiwalayan nu’ng bagong milenyo dahil nakahanap din ng iba si Joey.

Kilala si Amalia na matipid. Kahit maraming pera, economy class pa din kung bumiyahe sa Amerika.    

Nang mamatay si Liezl, na-realize ni Amalia na maikli lang ang buhay. Ibinenta ang bahay sa Dasmariñas Village na dating pinapaupahan at iba pang lupain sa Bicol at nagpakasarap sa buhay.

Hindi siya nagyayabang, pero kaswal lang na nabanggit niya minsan sa mga kasamahan sa MTRCB na “I am awash with cash” - sabay libre ng hapunan sa mga board members. Sa wakas, in-enjoy na niya lahat ng kanyang pinaghirapan. Kaya lang, habang nagbabakasyon sa Korea ay na-stroke siya.

Apat na taon din siyang halos di nakapagsalita at nakalakad bago siya binawian ng buhay nung October 5, 2019.

Dahil nauna pang namatay sa kanya ang adopted na si Geric, naging taga-pagmana ni Amalia ang tatlong apong sina Alyanna, Alfonso, at Alyssa Martinez. Huwag tayong mainggit dahil walang iniwang will si Amalia at magulo ang lahat.

Unti-unti ay naayos naman ang mga properties ni Amalia. Pero masakit pa din sa ulo. Imbes na kumita ay labas nang labas ng pera ang mga taga-pagmana para pambayad ng tax sa gobyerno.

Marami ang nanghihinayang na hindi masyadong na-enjoy ni Amalia ang kanyang kayamanan. Pero sa isang banda, dahil may ipon, that afforded her to say no to projects she didn’t like. Dahil du’n ay na-maintain niya ang stature niya as movie queen. May presyo siya till the end. At higit sa lahat, di siya naging katulad ng ibang artista na namalimos sa programa ni Vicky Morales na Wish Ko Lang.

Ito ang napulot kong aral sa buhay ni Amalia Fuentes: Tutoong life is short. Pero di naman kailangang maglustay. Dapat balanse lang para masaya ang buhay.

 

YOU MAY ALSO LIKE:

TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #1: Joey de Leon

TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #2: Gloria Romero

TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #3: Dra.Vicki Belo

Tutoong Buhay ng mga Sikat #4: Hilda Koronel

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.